I once tried poetry writing, aeons ago. When i met Jun, i thought my
writing skills (if there's any) paled in comparison to his. Sus, wala gyud
binatbat 'day! So there.
I am posting one of his many poems for our Faith instead.
kay Zia Amirah
Parati ka naming mamahalin,
tawagin ka man nilang maldita,
bruhilda.
Sapakin mo man at kagatin
ang iyong kuya, tuwing makikita
siyang nakakandong sa amin.
At kung gabi ay voluntarily at involuntarily
mo akong tinatadyakan sa tagiliran
kapag napadikit sa iyo. Mahimbing ka
ngunit ang mga balat ay mulat
na nagbabantay sa nakaugalian
kong pagdadantay.
Parati ka naming mamahalin,
kahit na nagsasalubong ang iyong kilay,
tumutulis ang nguso at panay ang padyak
kapag narinig mo sa amin
ang huwag, hindi, tumigil: mga utos
na nagtatakda ng hangganan sa iyong
kakulitan at kalikutan na walang ibang
dahilan kundi ikaw ay pag-ingatan,
nang ikaw ay huwag masaktan.
Kahit na panay ang lipad
ng remote control, ng kutsara at tinidor,
ng tsinelas at aklat, ng laruang Batman
at de-friction na jeep-jeepan.
Kahit na magsisigaw ka sa pag-iyak
at maglulupasay sa sahig
dahil hindi ni-reload ng Colgate
ang pinaglalaruang toothbrush.
Kahit na sa gitna ng pagkakatulog namin
ay bigla ka na lang sisigaw ng malakas
na "Nanay! Meme!" para ipagtimpla
ka ng dede.
Mamahalin ka pa rin namin.
Hindi matatawaran ang malambing
mong pagyakap sa aming likuran
kapag inaasikaso ang mga halaman
sa hardin; o ang masuyo mong ngiti
tuwing sumisilip ka at pumapasok sa silid;
ang mala-pusa mong pagyakap sa aming
mga paa tuwing sasalubungin kami sa pag-uwi,
ang ritwal na pagpapahalik mo sa magkabilang
pisngi, noo, baba, ilong at labi; ang iyong
sayaw na ocho-ocho; ang pag-aalaga
mo at pagmamahal sa mga manikang
tuta na si M at teddy bear na si W at kung
paano mo ako kalabitin sa tagiliran
kapag nagpuprogram sa computer
para bigyan lang ng tsokolate,
at magtanong, "Bati mo ba ato tatay?"
Parati ka naming mamahalin.
Sunday, July 15, 2007
Maldita, Bruhilda
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment